‘Exploitative Ruling Class’
The poet Rogelio Ordoñez has requested a correction on the final line of the poem he has written for the noble nationalist writer Ave Perez Jacob, who passed away on June 13. It must be exploitative Ruling Class, not working class, he says. Here’s the complete poem in its original form:
“’Di Na Kita Dadalawing Muli”
‘Di na kita dadalawing muli
Article continues after this advertisementsa iyong huling mga sandali
ng magiting na paghihimagsik
sa daigdig ng dalamhati.
Article continues after this advertisementAlam kong mamaya o bukas
o isang araw ngayong
maulang buwan ng Hunyo
bigla mong lilisanin
niyakap na larangan
ng madugong pakikilaban
sa uring naghari-harian.
’Di na kita muling dadalawin
kahit nais ko pang masilayan
titig na inuusbungan
ng sagradong mga lunggati
matang dalawang esmeraldang
nagniningning sa makabayang mithi
at kibot ng labing
laging isinisigaw himagsik ng lahi.
’Di na kita dadalawing muli
ngayong hininga mo’y hinihigop
ng humahalik na amihan
sa humpak na mukhang pinatigas
ng ’di isinukong paninindigan
para sa laya’t ligaya ng bayan
at ng masang pinag-ukulan ng buhay
sa maraming gabi ng paglalamay.
Alam kong ’di mo iluluha ang kamatayan
manapa’y labis mong ikararangal
na pawis at dugo ng iyong katawan
lubos naidilig sa nanilaw na damuhan
ng lupaing binaog-tinigang
ng mga kampon ng kadiliman
ng mga taliba ng kasakiman
ng mga sugapa sa kapangyarihan
ng uring diyus-diyosan sa lipunan.
Aawitin pa ngang lagi
ng habagat man o amihan
lirika’t melodiya ng magiting na buhay
upang la tierra pobreza’y ganap magbanyuhay.
’Di na kita muling dadalawin
ngayong alitaptap
ni ayaw kumindat sa pananagimpan
ngayong balumbon ng ulap
yakap-yakap dibdib ng karimlan.
Sapat nang makaniig kita
sa naglilingkisang mga alaala
sapat nang makaniig kita
sa pulang bulaklak ng mga gumamela
sa nagsalabat na mga cadena de amor
sa lumuluhang amarillo’t makahiya
sa masukal na kugon at damong ligaw
sa sabana ng pagsinta.
Katawan mo ma’y ganap nang humimlay
sa naghihintay na ulilang hukay
kahit walang panandang krus
at matingkad na pangalan
at mga titik ng kagitingan…
Magtatagpo pa rin ang ating mga titig
magsasanib pa rin ang ating mga dugo
magdurugtong pa rin ang ating mga ugat
sa bawat puso ng mga sawimpalad
at aawitin ng madagundong nating tinig
lirika ng mahalimuyak na paglaya
ng ibinartolinang la tierra pobreza
sa kuta ng mga panginoon ng dusa!